Natanggap na ng Department of Justice (DOJ) ang referral mula sa Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police (PNP) para sa pagsasampa ng mga kaso laban sa dating Ateneo de Manila University men’s basketball team head coach Tab Baldwin at 10 iba pa kaugnay ng pagkamatay ng mga student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa Aurora.
Ito ay kaugnay sa paglabag sa Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act.
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, posible rin na makasuhan ang mga nabanggit na indibidwal ng homicide at reckless imprudence resulting in homicide depende sa mga ebidensya.
Sa ngayon sasailalim muna sa paunang evaluation ang referral para matukoy kung kumpleto at sapat ang mga isinumiteng ebidensya para sa susunod na mga hakbang sa proseso.
Ipinaliwanag ng DOJ na kung makikitang kulang ang ebidensya, maaari itong ibalik para sa karagdagang case build-up sa koordinasyon ng CIDG, alinsunod sa DOJ Department Circular No. 20.
Habang kung sapat naman ang referral, maaari na itong i-docket at isailalim sa preliminary investigation ng DOJ.