Screenshot
Iniimbestigahan na ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga taxi driver na umano’y nambiktima ng dalawang dayuhang modelo at pageant winners habang bumibisita sa Pilipinas.
Kasunod ito ng reklamo ng dalawang dayuhan kaugnay ng kanilang sinakyang mga taxi noong June 13 para sa isang event sa bansa.
Ayon sa ulat, tumanggi umano ang unang driver na gumamit ng metro at nag-alok ng fixed fare. Kalaunan, huminto ang taxi at sinabing nasiraan ang sasakyan. Iniulat din na may isa pang driver na umano’y kasabwat ang tumangay naman sa cellphone ng isa sa mga pasahero.
Giit ni LTFRB Chair Atty. Vigor Mendoza II, hindi katanggap-tanggap ang ganitong insidente at tiniyak na hindi lamang mga driver kundi maging ang mga operator ng taxi ay mananagot kung mapapatunayang sangkot.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na umano sila sa Philippine National Police para matukoy ang mga driver at operator ng taxi na sangkot sa insidente at mapanagot ang mga ito.
Hinimok naman ng ahensya ang mga nakasaksi sa insidente na makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon.