Inihayag ng House Prosecution Team na wala silang planong magharap ng “surprise witness” sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa halip, sinabi nila na anumang reserved witness o karagdagang ebidensya ay kailangang ipaalam sa impeachment court tatlong araw bago ito iharap.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni House Prosecution Team Spokesperson Representative Zia Alonto-Adiong na hindi muna nila isisiwalat ang bilang at pagkakakilanlan ng kanilang mga testigo dahil bahagi ito ng kanilang legal na estratehiya.
Inaasahan din aniya, na ilalabas ng impeachment court ang pre-trial order na magsisilbing gabay sa magiging daloy ng paglilitis.
Sa pagbubukas ng impeachment trial sa July 6, inaasahang tatalakayin ang pagkakasunod-sunod ng Articles of Impeachment, pati ang presentasyon ng mga ebidensya at mga testigo, matapos makumpleto ang pre-trial conference.