Naghain ng kasong qualified human trafficking ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Pasig Regional Trial Court laban kay dating Congressman Mike Defensor at asawa nitong si Julie Rose Defensor.
Ito ay kaugnay ng sinalakay na Chicago KTV bar at Bleu Hotel sa Pasig City noong Abril.
Kinumpirma naman ni NBI Director Melvin Matibag na naghain ng kasong qualified human trafficking ang ahensya nitong Biyernes ng hapon, June 26.
Kinasuhan din ang iba pang opisyal na konektado sa naturang KTV bar at hotel.
Matatandaang sa isang pulong balitaan, sinabi ni Matibag na natuklasan ng mga imbestigador ang isang lihim na daanan na hindi nakasaad sa aprubadong plano ng gusali, na nag-uugnay sa KTV bar at sa hotel, kung saan umano dinadala ang mga biktima.
Mahigit 50 kababaihan ang nasagip ng NBI sa isinagawang pagsalakay sa KTV bar noong Abril.
Ayon sa NBI, ginagamit ang establisimyento bilang isang prostitution den.
Samantala, itinanggi naman ni Defensor at ng kaniyang asawa ang mga alegasyon. Ayon sa dating kongresista, politically motivated ang mga reklamong isinampa laban sa kanila.