Tutulak patungong Canada si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa apat na araw na official visit, kung saan inaasahang higit pang palalakasin ang ugnayan at kooperasyon ng Pilipinas at ng Canada sa iba’t ibang larangan.
Kabilang dito ang may kinalaman sa depensa at seguridad, kalakalan, pamumuhunan, enerhiya, at people-to-people exchanges na inaasahang mapag-uusapan ng Pangulo at Canadian Prime Minister Mark Joseph Carney sa kanilang bilateral meeting.
Kasama rin sa inaasahang tatalakayin ng dalawang lider ang mga usapin sa rehiyon, kabilang ang chairship ng Pilipinas sa ASEAN at ang papel ng Canada bilang Dialogue Partner at Strategic Partner ng samahan sa pagpapalakas ng ugnayan sa Asia-Pacific.
Bahagi rin ng nakatakdang biyahe ng Pangulo sa Canada ang pakikipagkita sa mga negosyante at mamumuhunan upang hikayatin ang mga ito na samantalahin ang mga posibleng oportunidad sa Pilipinas at mamuhunan sa larangan ng information technology, business process management, artificial intelligence, imprastraktura, at iba pang industriya.
Kasama rin sa aktibidad ng Pangulo, asama si First Lady Louise Araneta-Marcos, ang FilCom event sa Vancouver, na dito ay inaasahang kikilalanin ng Chief Executive ang ambag ng mga Pilipino sa ugnayan ng Pilipinas at Canada.
Ito ang unang opisyal na pagbisita ng isang Pangulo ng Pilipinas sa Canada matapos ang pagbisita ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2015.