Nanawagan ang isang mambabatas sa mga unibersidad at kolehiyo na repasuhin ang kanilang mga polisiya hinggil sa mga extra-curricular activities, lalo na ang mga isinasagawa sa labas ng campus.
Kasunod ito ng pagkasawi ng dalawang miyembro ng Ateneo basketball team sa isang team-building activity sa Aurora.
Ayon kay Solid North Party-list Representative Ching Bernos, dapat tiyakin ng mga paaralan ang kaligtasan ng mga estudyanteng ipinagkatiwala sa kanilang pangangalaga.
Hinimok din niya ang Commission on Higher Education na makipagtulungan sa mga eksperto at sa mga higher education institutions upang makabuo ng mas mahigpit at mas angkop na safety protocols.
Hiling din ng mambabatas ang masusing imbestigasyon sa insidente upang matukoy kung may kapabayaan sa nangyari.
Aniya, dapat managot ang sinumang mapatutunayang nagpabaya sa kaniyang tungkulin.