Tatalakayin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga usapin ng mental health, pangangalaga sa kalikasan, at pandaigdigang krisis sa enerhiya sa ika-132 plenary assembly ng mga obispo na gaganapin sa Ozamiz City sa darating na Hulyo 8 hanggang 10.
Ayon kay CBCP Secretary General Msgr. Bernardo Pantin, pagtutuunan din ng mga obispo ang iba pang pastoral na usaping nakaaapekto sa Simbahan at sa mga komunidad sa bansa.
Magbubukas ang plenary assembly sa pamamagitan ng mensahe nina Apostolic Nuncio Archbishop Charles Brown at CBCP President Archbishop Gilbert Garcera.
Bago ang plenary assembly, magsasagawa muna ng taunang retreat ang mga obispo mula Hulyo 3 hanggang 6 na nakatuon sa synodality o pagpapalalim ng pagkakaisa, pakikilahok, at misyon ng Simbahan.
Magbibigay rin ng mga pagninilay sina Cardinal Luis Antonio Tagle, British Cardinal Timothy Radcliffe, at Cardinal Pablo Virgilio David.
Hinimok naman ni Pantin ang mga mananampalataya na ipagdasal ang mga obispo upang ang kanilang mga talakayan at mga magiging pasya ay makatulong sa pagtugon sa pangangailangan ng Simbahan at ng sambayanang Pilipino.
Inaasahan ding maglalabas ang CBCP ng pastoral statement matapos ang plenary assembly.