Tatlong katao ang inaresto ng Philippine National Police (PNP) sa isinagawang operasyon laban sa illegal mining sa Barangay Bahi, Barobo, Surigao del Sur.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., nahuli ang mga suspek habang ilegal na nagmimina nang walang kaukulang permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Nakumpiska rin ang isang backhoe at iba pang kagamitan sa pagmimina na nagkakahalaga ng mahigit P5.1 milyon, kasama ang mga sako ng lupa na pinaghihinalaang may taglay na gold-bearing minerals.
Pinangunahan ang operasyon ng PNP katuwang ang DENR at ang Mines and Geosciences Bureau (MGB).
Sinabi ni Nartatez na magpapatuloy ang mahigpit na kampanya laban sa illegal mining upang maprotektahan ang likas na yaman at mapanagot ang mga lumalabag sa batas.