Patuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam matapos muling matapyasan ang water elevation nito magdamag.
Batay sa pinakahuling update ng PAGASA Hydrometeorology Division, alas-8 kaninang umaga nang bumaba pa ng 62 sentimetro ang lebel ng tubig sa dam, dahilan para umabot ito sa 160.71 meters.
Wala nang isang metro ang pagitan bago maabot ang critical level na 160 meters.
Bukod sa Angat Dam, patuloy rin ang pagbaba ng water level sa iba pang malalaking dam gaya ng San Roque, Pantabangan, at Magat Dam.
Samantala, nakikipag-ugnayan ang National Water Resources Board o NWRB sa PAGASA para pag-aralan ang posibilidad ng pagsasagawa ng cloud seeding habang patuloy na bumababa ang lebel ng tubig sa mga dam.