Photo courtesy of Philippine National Police
Paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang mga programa nito para sa proteksiyon ng mga bata at kaligtasan sa cyberspace sa buong bansa.
Ito’y para mapalakas ang mga hakbang sa pagpapanatiling ligtas ng mga paaralan at masuportahan ang inisyatiba ng Department of Education (DepEd) na mapabuti ang kapakanan ng mga mag-aaral.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., buo ang suporta ng PNP sa panukala ng DepEd na dagdagan ang bilang ng mga guidance counselor at palakasin ang koordinasyon sa mga ahensiya ng pagpapatupad ng batas.
Aniya, pinagtitibay nito ang sama-samang pananagutan ng mga paaralan, pulisya, lokal na pamahalaan, mga magulang, at komunidad sa pangangalaga sa mga mag-aaral.
Palalakasin pa ng PNP ang ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan, lokal na komunidad, at mga institusyong pang-edukasyon upang mapangalagaan ang kapakanan ng bawat estudyanteng Pilipino alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Dahil dito, inatasan ni Nartatez ang lahat ng Women and Children Protection Desks (WCPDs) na paigtingin ang mga information campaign tungkol sa pambu-bully, pang-aabuso sa bata, pagsasamantala, karahasan laban sa mga bata, at kaligtasan sa internet.
Inatasan din niya ang PNP Anti-Cybercrime Group na palawakin ang mga cyber safety lecture para sa mga paaralan, upang matulungan silang matukoy ang mga banta sa internet at maiwasan ang mga krimeng isinasagawa gamit ang teknolohiya.