Nilinaw ng Korte Suprema na hindi sapat ang pagliban sa trabaho para patunayan ang abandonment o bigyang-katwiran ang pagtanggal sa isang empleyado.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Maria Filomena Singh, ibinasura ng Supreme Court Third Division ang naunang pasya ng Labor Arbiter, National Labor Relations Commission, at Court of Appeals sa kaso ni Production Utility Worker Alvin Carpio.
Idineklara ng SC na iligal ang pagkakatanggal kay Carpio ng Green Era Biotech Corporation at Great Value Management and Services Corporation.
Nag-ugat ang kaso sa sunod-sunod na pagliban ni Carpio dahil umano sa karamdaman, na nauwi sa pagdedeklara sa kaniya bilang AWOL.
Ayon sa SC, kailangang mapatunayan na walang balidong dahilan ang pagliban ng empleyado at malinaw ang intensyon nitong putulin ang employer-employee relationship.
Giit ng SC, walang ebidensiyang gustong iwan ni Carpio ang kaniyang trabaho dahil sinubukan pa niyang bumalik at kaagad na kinuwestyon ang pagkakatanggal sa kaniya.
Ipinag-utos ng SC ang reinstatement ni Carpio, pero hindi siya bibigyan ng backwages dahil ginawa umano ng kompanya sa good faith ang dismissal.
Sa dissenting opinion ni Associate Justice Japar Dimaampao, makatwiran ang pagkakatanggal kay Carpio dahil sa sinadyang paglabag sa company policy.
