Muling nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) laban sa paglabas ng bansa sa pamamagitan ng illegal na backdoor routes para magtrabaho sa ibang bansa.
Ito ay matapos mai-repatriate ang 11 Pilipino mula Kota Kinabalu, Malaysia noong June 16, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang mga overseas Filipino laban sa illegal recruitment at human trafficking.
Dumating ang grupo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 sakay ng Philippines AirAsia flight.
Batay sa paunang panayam, anim sa mga repatriate ang umalis ng Pilipinas sa pamamagitan ng backdoor at nilampasan ang legal na proseso bago naghanapbuhay sa Malaysia.
Ayon sa BI, nagtrabaho ang mga ito sa construction, mechanical, at maritime-related jobs, habang isang babae naman ang na-recruit bilang entertainer.
Karamihan sa kanila ay nag-ulat na hindi nakatanggap ng sahod sa kanilang trabaho abroad.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, delikado ang pagdaan sa illegal na ruta dahil lalong nalalantad ang mga Pilipino sa pang-aabuso, exploitation, unpaid labor, at pagpapabaya ng mga recruiter.