Mariing pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ride-hailing services na hindi maaaring tumanggi basta-basta sa pasahero.
Ginawa ng LTFRB ang pahayag matapos mag-viral ang vlog ng isang TNVS driver na umano’y mula sa ride-hailing app na Grab kung saan sinabi nitong maaaring i-decline ng mga driver ang booking lalo na kung hindi sila kumportable sa pupuntahan ng pasahero.
Ayon kay LTFRB Chair Atty. Vigor Mendoza II, labag sa kondisyon ng prangkisa ang pagtanggi na ihatid ang pasahero sa destinasyon nito.
Hindi rin umano para sa kaginhawaan ng driver o operator ang prangkisa kundi para sa serbisyo sa riding public.
Dahil dito, magpapadala ang LTFRB ng Show Cause Order sa Grab para tukuyin ang naturang driver at pagpapaliwanagin kung pinapayagan ba ng kumpanya ang pagtanggi ng booking ng mga TNVS partner nito.
“I would also like to remind the TNCs to clear the rules and regulations with all their TNVS partners, especially on the provision that refusing to convey passengers and failure to provide safe and convenient public land transportation service,” pahayag ni Chair Mendoza.
📸 LTFRB