Binigyang-diin ni House Prosecutor at Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na may limitasyon at hindi absolute ang freedom of speech o karapatan sa malayang pagpapahayag sa ilalim ng batas.
Ito ang naging tugon ni Diokno sa opisyal na sagot ni VP Sara Duterte sa Articles of Impeachment na inihain ng House prosecution panel sa Senate Impeachment Court.
Tumanggi naman si Diokno na magbigay ng mas malalim na komento ukol sa merito ng depensang inilatag ng pangalawang pangulo at sinabing ipinauubaya na ng prosekusyon sa Senado ang pagpapasya rito.
Maging si House Impeachment Prosecutor Leila de Lima ay nagpahayag na dapat hayaan ang Senate Impeachment Court na resolbahin ang mga argumentong inilatag ni Duterte sa tamang forum.
Kabilang dito ang depensa ni Duterte na ang mga umano’y banta na binanggit sa Articles of Impeachment ay saklaw lamang ng kanyang freedom of expression.
Ayon kay De Lima, walang balak ang prosekusyon na makipagtalo ukol sa merito ng depensa ni Duterte sa pamamagitan ng mga press conference.
Dagdag pa ni Diokno, buo ang tiwala ng panel sa mga senator-judges na may wastong hurisdiksyon upang suriin at timbangin kung may batayan ang mga katwiran ng kampo ng bise presidente.