Siniguro ng Malacañang na ligtas ang lahat ng Pilipinong tripulante sa dalawang barkong inatake sa Strait of Hormuz, sa gitna pa rin ng nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, una nang nakapag-ulat si Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang nasaktan sa 21 Pilipinong sakay ng MV Ever Lovely at sa 19 na Pilipinong tripulante ng Panama oil tanker na Kiku.
Bukod dito, nananatili aniyang seaworthy ang dalawang sasakyang pandagat at patuloy din sa kanilang biyahe.
Inaasahan ding makakarating sa Singapore ang MV Ever Lovely sa ikalima ng Hulyo.
Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang kalagayan ng mga tripulante at nakahandang magbigay ng onboard psychosocial assistance kung kinakailangan.
Base sa pinakahuling datos ng gobyerno, nasa 2,100 Filipino seafarers na sakay ng 85 barko ang nakalabas na sa Strait of Hormuz.
Nasa 3,800 iba pa ang nananatiling sakay ng mga barkong nasa Persian Gulf na patuloy ding binabantayan ng mga awtoridad.