Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestream
Maituturing na isang pagkakataong ma-reset at mas mapalakas ang ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at Canada ang gagawing official visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Canada mula July 1 hanggang July 4.
Ito ang naging pahayag ni Filipino-Canadian economist Dr. Michael Batu sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service hinggil sa kahalagahan ng nasabing official visit ng pangulo sa Canada.
Ayon kay Dr. Batu, nanamlay ang relasyon ng Pilipinas at Canada noong 2018 nang pinabalik ng Duterte Administration sa Canada ang may mahigit 60 containers na naglalaman ng waste materials.
Dagdag pa ng Filipino-Canadian economist na taong 2018 din nang kinansela ang pagbili ng 16 BELL helicopters mula sa Canada na nagkakahalaga ng 12 bilyong piso.
Sa pagbisita ni Pangulong Marcos sa Canada, pagkakataon na ito, ayon kay Dr. Batu, na muling maibalik ang nanamlay na diplomatic relasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Bukod sa mga oportunidad na mapalakas ang diplomatikong relasyon, bilateral trade at paghikayat sa mga Canadian investors sa larangan ng artificial intelligence, business process outsourcing, at critical minerals, layunin din ng pagbisita ni Pangulong Marcos na makasalamuha nito ang Filipino Community sa Canada.