Inanunsiyo ngayon ni Labor Secretary Francis Tolentino ang pagpapatupad ng ₱85 wage increase para sa mga minimum wage earners sa Metro Manila, na pinakamataas sa kasaysayan ng NCR.
Ginawa ng kalihim ang anunsiyo sa isinagawang pulong-talakayan at boodle fight kasama ang mga manininda at ilang minimum wage earners sa Malabon Central Market.
Sa ilalim ng bagong wage order, ang mga manggagawa sa non-agriculture sector na kasalukuyang tumatanggap ng ₱695 arawang sahod ay tataas sa ₱780 ang sahod kada araw.
Para naman sa agriculture sector, aabot sa ₱743 ang bagong arawang minimum wage.
Ipapatupad ang dagdag-sahod sa dalawang tranche. Ang unang ₱60 wage increase ay magiging epektibo sa July 19, habang ang karagdagang ₱25 ay ipatutupad sa January 20, 2027.
Inaasahang aabot sa 1.1 milyong minimum wage earners sa NCR ang makikinabang sa bagong umento.
Ayon kay Secretary Tolentino, mula 2023, umabot na sa kabuuang ₱210 ang dagdag-sahod na ipinagkaloob sa NCR minimum wage workers.
Nagpasalamat naman ang kalihim sa NCR Wage Board sa pag-apruba ng dagdag-sahod, na aniya’y makatutulong sa pagprotekta sa mga manggagawa at pagpapalakas ng kanilang purchasing power.