Nananatiling bukas at fully operational ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) upang pagsilbihan ang publiko ngayong araw.
Ito ay sa kabila ng nagpapatuloy na pagtitipon ng mga kaanib ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA White Plains Avenue bilang pagsuporta kay Sen. Rodante Marcoleta, na nahaharap sa kasong katiwalian.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), nagpatupad ito ng full deployment sa buong linya ng MRT-3 upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga pasahero, gayundin ang maayos na operasyon ng sistema.
Samantala, inihayag din ng DOTr na tuloy-tuloy ang operasyon ng mga EDSA Busway station sa kabila ng nararanasang mabigat na daloy ng trapiko.
Asahan ang pagbagal ng daloy ng mga bus sa Ortigas northbound dahil isang lane lamang ang kasalukuyang nadaraanan ng mga sasakyan.
Mabagal din ang daloy ng mga bus mula Santolan hanggang Ortigas southbound.
Iniutos na ni Transportation Secretary Giovanni “Banoy” Lopez ang mas pinaigting na deployment ng mga tauhan ng Special Action and Intelligence Committee on Transportation (SAICT) sa lahat ng EDSA Busway station upang umalalay sa mga motorista at commuter.