Photos courtesy of SDO1 Pangasinan
Pinagtibay ng Department of Education (DepEd) Schools Division Office (SDO) 1 Pangasinan at Philippine Red Cross ang kanilang pagtutulungan sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement o MOA na naglalayong palakasin ang kaligtasan, kalusugan, at kahandaan sa sakuna ng mga paaralan
Sa ilalim ng kasunduan, magkatuwang na isusulong ang mga programa sa disaster preparedness, health promotion, emergency response, capacity-building activities, at pagpapalakas ng Red Cross Youth chapters sa mga paaralan.
Ayon kay Schools Division Superintendent Fatima R. Boado, hindi lamang akademikong pagkatuto ang layunin ng edukasyon kung hindi maging ang paghubog sa mga mag-aaral sa isang ligtas, malusog, at handang kapaligiran.
Samantala, sinabi naman ni Philippine Red Cross Pangasinan Chapter Chairman Dr. Vivencio Jose P. Villaflor, na patuloy na pinalalawak ng organisasyon ang mga serbisyo nito sa disaster risk reduction, first aid training, humanitarian education, at volunteer development, bukod sa blood services na karaniwang iniuugnay rito.
Bilang bahagi ng bagong kasunduan, magsasagawa rin ang dalawang panig ng bloodletting activity sa July 16 bilang pakikiisa sa National Disaster Resilience Month at National Blood Donors Month, kasabay ng paggunita sa anibersaryo ng 1990 Luzon Earthquake.