Photo courtesy of Rep. Roman Romulo FB
Kasunod ng insidente ng karahasan sa mga paaralan, umapila ang Kamara sa Civil Service Commission (CSC) na madaliin ang pag-apruba sa qualification standards (QS) para sa libo-libong posisyon ng School Counselor Associates (SCAs) sa bansa.
Nagbabala si House Committee on Basic Education and Culture Chair at Pasig Rep. Roman Romulo na habang nade-delay ang pag-empleyo sa SCAs, lalong nanganganib ang buhay at kapakanan ng mga mag-aaral.
Sa pagdinig ng komite ukol sa school violence at school safety, kinumpirma ni DepEd Undersecretary Willie Cabral, na sa kabila ng pagpasa ng batas dalawang taon na ang nakalilipas, “zero” o wala pa ring kahit isang School Counselor Associate ang nailalagay sa mga paaralan.
Sa ilalim ng Republic Act 12080 o ang Basic Education Mental Health and Well-being Promotion Act na naipasa noong 2024, target sanang i-empleyo ng DepEd ang nasa 10,000 SCAs upang tugunan ang kakulangan sa mga gabay.
Ayon kay Romulo, bagaman agad itong inaksyunan at nilaanan ng pondo ng Kongreso noong 2024 hindi ito magamit-gamit dahil nakabinbin pa rin sa CSC ang pinal na pag-apruba sa QS ng position.
Giit ng komite, dapat nang kumilos ng CSC dahil buhay at kinabukasan ng mga kabataang Pilipino ang nakataya sa bawat araw na lumilipas na walang gumagabay sa kanilang kaisipan.