Tinitignan na ng Office of the Ombudsman ang posibilidad na gawing state witness sa flood control scandal si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, hihilingin nila sa Sandiganbayan para maalis si Bonoan bilang respondent para makapagbigay ito ng testimonya bilang state witness.
Naniniwala si Remulla na mahalaga ang magiging pahayag ni Bonoan dahil sa kanyang malawak na kaalaman sa loob ng institusyon na makatutulong sa pagpapatibay ng mga kasong isasampa ng Ombudsman.
“The knowledge that he has about the whole institution is something very important to us to be able to prove many cases,” pahayag ni Remulla.
Dagdag pa ng Ombudsman, kailangang agad makuha ang testimonya ni Bonoan dahil sa kasalukuyang kondisyon ng kanyang kalusugan.
Una nang pinayagan ng Sandiganbayan 5th Division ang mosyon ni Bonoan na mailagay sa hospital arrest sa PNP General Hospital sa Camp Crame, Quezon City dahil sa kanyang edad at medical condition.
Nakaiskedyul naman ngayong Martes, June 30, ang arraignment ng plunder at graft cases laban kina Bonoan at iba pang akusado.