Binasag na ni Marikina City Vice Mayor Del De Guzman ang kaniyang katahimikan kasunod ng vehicular accident na kinasangkutan ng kaniyang anak at nagresulta sa pagkasawi ng guro na si Alexander Cruz.
Sa isang pahayag, sinabi ni Vice Mayor Del na labis nilang ikinalungkot ang sinapit ni Alexander at nakikiramay sila sa naulila nito na kasalukuyan pa ring nagdadalamhati.
Batid aniya nila ang sakit nang mawalan ng mahal sa buhay at bilang isang ama ay walang bibigat pa na mawalan ng isang anak.
Nilinaw ng Bise Alkalde na ang kanilang katahimikan ay hindi nangangahulugan ng pag-iwas o kawalang malasakit bagkus, ito’y pagbibigay daan sa pagluluksa at paggalang na rin sa pamilya gayundin sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Tiniyak ng opisyal ang kanilang buong pakikiisa at pakikipagtutulungan sa mga awtoridad, kasama ang kaniyang anak para matamo ang hustisyang nararapat.
Magugunitang nabangga ang motorcycle rider na si Cruz ng anak ni Vice Mayor De Guzman na si Dave habang minamaneho nito ang isang SUV sa panulukan ng Russet Street at Ordoñez Avenue, dalawang linggo na ang nakalilipas.