Iginiit ng House impeachment prosecutors na alinsunod sa Saligang Batas, obligasyon ng Senado na dumaan sa buong proseso ng paglilitis ang kaso laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno, hindi ito pwedeng ibasura na lamang nang walang pagdidinig ng mga ebidensya.
Ito ang tugon nila Diokno at Senior Deputy Minority leader Leila De Lima matapos matanong kung labag ba sa Konstitusyon kung diringgin ng Senado ang ano mang hirit na ibasura (motion to dismiss) ang kaso bago pa man makapagsimula ang prosekusyon.
Ayon kay Diokno, noon pa mang nakaraang taon ay malinaw na ang paninindigan ng kanilang hanay na ang pangunahing tungkulin ng Senado kapag ito ay umupo bilang isang impeachment court ay maglitis at sumuri ng ebidensya bago magbaba ng desisyon.
Dagdag pa ni De Lima, maging ang sariling alituntunin ng Senado ay nagpapatunay na ang mandato ng mataas na kapulungan ay maglitis at magpasya), at hindi i-short cut ang kaso.