Upang mapigilan ang pagpasok ng mga armas at nakamamatay na sandata sa loob ng mga campus, pinag-aaralan ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng mandatory bag inspection sa mga eskwelahan sa buong bansa.
Sa naging pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture kinumpirma ni DepEd Assistant Secretary Roger Masapol, na kasama na sa mga seryosong sinusuri ng kagawaran ang naturang panukala.
Gayunpaman, inamin niya na ang aktuwal na implementasyon ay dadaan pa sa masusing evaluation base sa kapasidad ng bawat paaralan.
Bukod sa mano-manong pagkapkap at pag-inspeksyon sa mga gamit ng estudyante, seryoso ring kinukonsidera ng DepEd ang paglalagay ng mga walk-through at handheld metal detectors sa mga gate ng paaralan.
Ayon sa opisyal, positibo ang tugon dito ng ilang local government units (LGUs) na nagpahayag na ng suporta para maibigay ang mga nasabing kagamitan sa mga pampublikong eskwelahan na sakop ng kanilang hurisdiksyon.
Ayon kay Masapol, malinaw at mariin ang naging kautusan ni Education Secretary Sonny Angara na gawing top priority ang kaligtasan at seguridad sa mga paaralan.