Bumisita sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame ang pamilya ng nasawing student-athlete ng Ateneo De Manila University na si Rene Baterbonia.
Pasado alas-2 ng hapon dumating sa CIDG ang pamilya ni Rene kasama ang kaniyang nanay na si Rovelyn Baterbonia at ang tatay nito na si Rene Baterbonia Sr. Sila ay nakaalis bandang alas-3:30 ng hapon.
Sa ambush interview kay CIDG Director PMGEN Robert Morico II, sinabi niya na layon nitong maipalam sa pamilya ang resulta ng kanilang imbestigasyon at tiyakin na nakasuporta at nakasubaybay ang CIDG sa kaso.
Nabatid na inirekomenda ng CIDG sa Department of Justice na makasuhan ng paglabag sa Anti-Hazing Act ang 11 indibidwal kabilang ang coaches at staff ng Ateneo Men’s Basketball Team kaunay ng pagkamay ng dalawang basketball players nito.
Samantala, sa ambsuh interview sa legal counsel ng pamilya Baterbonia na si Atty. Israelito Torreon, sinabi niya na hindi siya pinayagang makapasok sa meeting ng pamilya at ng CIDG dahil nahuli siya at naabutan ng matinding trapiko pero mayroon aniya siyang abogado na kasama sa loob.
Kaugnay naman ng pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na maaaring hindi maisama sa kaso ang ball boys at student managers, sinabi ni Torreon na hindi pa siya makapagbibigay ng buong komento hangga’t hindi niya nakikita ang kopya ng reklamo.