Mas malaking tulong-pinansyal ang aasahan ng mga pasyenteng may leptospirosis simula Hulyo 15 matapos ianunsyo ng Malacañang ang pagpapalawak ng PhilHealth benefit package, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas abot-kaya ang serbisyong pangkalusugan.
Sa ilalim ng pinalawak na benepisyo, maaaring umabot sa mahigit P400,000 ang coverage para sa mga kwalipikadong pasyenteng may malubhang kaso ng leptospirosis na nangangailangan ng kritikal na gamutan, kabilang ang hemodialysis, peritoneal dialysis, mechanical ventilation, at pulmonary rehabilitation.
Magkakaloob din ang PhilHealth ng libreng konsultasyon sa ilalim ng Yaman ng Kalusugan Program o YAKAP, habang maaari ring makinabang ang mga miyembro sa gamot package na may hanggang P20,000 kada taon para sa kinakailangang gamot laban sa leptospirosis.
Kasabay nito, muling pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na magsuot ng bota kapag lumulusong sa baha at agad maghugas ng katawan gamit ang sabon at malinis na tubig matapos ma-expose, kasunod ng naitalang pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa bansa ngayong taon