Sa pagwagayway ng mga watawat ng Pilipinas at South Korea, isinagawa ang inagurasyon ng MV Nilad, isang bagong marine clean-up vessel sa ilalim ng Enhancement of Marine Litter Management (EMLM) Project sa Manila Bay. Layunin ng proyekto na palakasin ang pangangalaga sa karagatan at mabawasan ang polusyon mula sa mga basurang umaabot sa dagat.
Ang MV Nilad ay donasyon ng Republic of Korea sa ilalim ng USD 8.2 million EMLM Project. Isa itong limang taong programa ng pagtutulungan ng Pilipinas at South Korea na naglalayong mapabuti ang solid waste management at mabawasan ang marine pollution sa Manila Bay.
May haba itong 25 meters at bigat na 101 tons, at idinisenyo para sa tuloy-tuloy na paglilinis ng Manila Bay. Kabilang sa mga pangunahing kagamitan nito ang oil boom at oil skimmer para sa oil spill response, crane, marine litter collection conveyor system para sa mas mabilis na pangongolekta ng basura, at firefighting system.
Sa mensahe ni Pang. Marcos Jr. na binasa ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez, sinabi na inaasahan ng pamahalaan na makatutulong ang naturang sasakyang pandagat sa mas mabilis at mas epektibong paglilinis ng Manila Bay, gayundin sa pagpapalawak ng awareness sa kahalagahan ng Manila Bay bilang bahagi ng mas malawak na programa ng pamahalaan upang mapanatili ang kalinisan ng mga katubigan at maprotektahan ang yamang-dagat.
Nagpasalamat din ang Pangulo sa Korea International Cooperation Agency (KOICA) para sa patuloy nitong suporta.
Kasama rin sa programa ang mga estero ranger na tutulong sa paglilinis. Dumalo rin sa kaganapan si Korean Ambassador to the Philippines Lee Sang-hwa, mga miyembro ng Philippine Coast Guard, Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, DOTr Secretary Giovanni Lopez, at mga kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pangunguna ni Secretary Juan Miguel Cuna.
Sa pamamagitan ng EMLM Project, umaasa ang pamahalaan na higit pang mapapalakas ang mga hakbang laban sa polusyon sa karagatan at maisusulong ang pangmatagalang pangangalaga at rehabilitasyon ng Manila Bay.