Senate of the Philippines
Inihain ni Senate President Pro Tempore Vicente Sotto III ang Senate Resolution No. 486 na naglalayong magsagawa ng imbestigasyon, in aid of legislation, tungkol sa epekto ng social media sa mga batang Pilipino at matukoy ang mga hakbang para mapalakas ang kanilang digital safety at kapakanan.
Ayon kay Sotto, layunin ng panukalang imbestigasyon na suriin ang epekto ng labis na screen time at pagkakalantad ng mga bata sa mapaminsalang online content sa kanilang mental health, kaligtasan, moral na pag-unlad, at pangkalahatang kapakanan.
Sisiyasatin din, aniya, ng Senado kung may kaugnayan ang lumalaking bilang ng mga menor de edad na nasasangkot sa karahasan, cyber-related offenses, at iba pang mapanganib na gawain sa paggamit ng social media.
Sinabi ng Senate President Pro Tempore na bagama’t nagbukas ang teknolohiya ng mas maraming oportunidad para sa pagkatuto, komunikasyon, at pagkamalikhain, inilalantad din nito ang mga bata sa cyberbullying, online sexual exploitation, grooming, self-harm content, misinformation, at mga materyal na may kaugnayan sa sugal.
Binanggit din sa resolusyon ang mga pag-aaral na nag-uugnay sa labis na screen time sa mas mataas na posibilidad ng anxiety, depression, sleep disorders, at iba pang suliranin sa kalusugang pangkaisipan ng mga kabataan.
Iginiit din ni Sotto na bago isaalang-alang ang mga mahihigpit na hakbang, gaya ng pagbabawal sa social media para sa mga menor de edad, kinakailangang magsagawa muna ang Kongreso ng masusing pagsusuri sa umiiral na mga batas, sa aktuwal na paggamit ng social media ng mga batang Pilipino, at sa kakayahan ng pamahalaan na ipatupad ang anumang magiging regulasyon.