Iniutos ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagpapasara sa nasa 132 na mga establisyimento sa pinaigting na pagpapatupad ng Nationwide Oplan Kandado 2026 laban sa mga hindi nagbabayad ng tamang buwis.

Sabay sabay na ikinasa ang operasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa na minonitor mula sa National Command Center ng BIR Revenue Region 7A sa Quezon City.
Ayon sa BIR, aabot sa 419 kaso ang isinailalim sa operasyon na may tinatayang P742.1 milyon na potensyal na tax exposure.
Paliwanag naman ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, huling opsyon ang pagsasara ng negosyo dahil binibigyan naman ng sapat na pagkakataon ang mga taxpayer na itama ang kanilang pagkukulang, ngunit kapag hindi pa rin sumunod o sadyang umiiwas sa kanilang obligasyon, saka ipinatutupad ang closure order.
“Every closure carried out today should have come only after the Bureau had extended assistance, explained the taxpayer’s obligations, and provided every reasonable opportunity to comply. Only after those efforts have failed does enforcement become necessary,” ani Commissioner Mendoza.
Kaugnay nito, sinabi rin ng BIR na parte na rin ng Oplan Kandado ang pagmonitor sa online businesses na kinakailangang sumunod sa registration, tamang pag-iisyu ng resibo o invoice, filing, at pagbabayad ng buwis.
📷 BIR