Tuloy ang nakatakdang opisyal na pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Canada, sa kabila ng biglaang kilos-protesta na isinagawa ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument sa Quezon City nitong Martes.
Una rito, kinansela ng Pangulo ang kaniyang dalawang iskedyul nitong Martes ng umaga upang personal na tutukan at bantayan ang sitwasyon matapos magtipon-tipon ang libo-libong miyembro ng INC na nagdulot ng matinding traffic sa kahabaan ng EDSA.
Sa isang panayam sa mga mamamahayag, kinumpirma ni Acting Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez na walang magiging pagbabago sa pag-alis ng Punong Ehekutibo.
“Walang magiging pagbabago sa iskedyul ng Pangulo sa pagtungo niya sa Canada bukas,” pahayag ni Gomez.
Nakatakdang lumipad patungong Canada ang Pangulo ngayong Miyerkules para sa isang apat na araw na opisyal na pagbisita.
Sa kaniyang pananatili roon, inaasahang makakapulong ni Marcos si Canadian Prime Minister Mark Joseph Carney sa isang bilateral talk upang suriin ang estado ng ugnayan ng Pilipinas at Canada, pati na rin ang paghahanap ng mga bagong paraan para mapatibay ang kooperasyon ng dalawang bansa sa mahahalagang sektor.
Bukod dito, makikipagpulong din ang Pangulo sa mga lider ng negosyo at mga mamumuhunan sa Canada upang iendorso ang Pilipinas bilang isang magandang lugar para sa negosyo at makahikayat ng mas maraming dayuhang pamumuhunan.
Nakatakda ring makipagkita si Marcos sa komunidad ng mga Pilipino sa Vancouver bilang pagkilala sa malaking kontribusyon ng mga overseas Filipino sa parehong bansa at sa patuloy na matatag na ugnayan ng Pilipinas at Canada.