Tatlong indibidwal ang malubhang nasugatan matapos ang isang pagsabog na naganap sa isang residential area sa Monaco.
Batay sa ulat ng BBC, sumiklab ang pagsabog sa labas ng isang gusali na malapit lamang sa border ng France.
Isang hindi kilalang lalaki ang nakitang nag-iwan ng isang backpack o parcel bomb sa entrance ng gusali bago ito mabilis na tumakas.
Ang naturang pampasabog ay pinaniniwalaang sadyang nilagyan ng mga turnilyo at metal pellets upang magdulot ng matinding pinsala.
Sa tatlong biktima na dinala sa ospital sa lungsod ng Nice sa France, dalawa sa kanila ay nasa kritikal na kalagayan.
Sa isang pahayag, kinondena ni Prince Albert II ng Monaco ang insidente at tinawag itong “karumal-dumal na krimen”. Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng bansa na nagkaroon ng ganitong uri ng pag-atake.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang pinagsamang operasyon ng mga pulisya ng Monaco at France upang tugisin ang salarin na nakitang tumakas nang maglakad patungo sa kalapit na bayan sa France.
(Pic:Britannica)