Mas paiigtingin ang seguridad sa mga komunidad sa Lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng mandatoryong paglalagay ng closed circuit television o CCTV camera sa lahat ng 897 barangay.
Sa ilalim ng City Ordinance Number 9152, Series of 2026 na inakda ni 1st District Councilor Rosalino “Jhun” Ibay, inaatasan ang bawat barangay na maglagay ng hindi bababa sa 10 CCTV camera sa mga lugar na itinuturing na crime-prone areas.
Ayon kay Ibay, chairman ng Committee on Peace and Order and Public Safety, agad nilagdaan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang ordinansa matapos itong maipasa ng mayorya ng Sangguniang Panlungsod.
Makikipag-ugnayan ang mga barangay sa Manila Police District (MPD) para matukoy ang mga istratehikong lugar na kailangang lagyan ng CCTV, lalo na sa mga lugar na madalas na pinangyayarihan ng krimen.
Sakop ng ordinansa ang lahat ng barangay sa Maynila, maliit man o malaki, bilang bahagi ng mas mahigpit na crime prevention at public safety measures sa lungsod.
Mahaharap naman sa kaparusahan mula suspensyon hanggang pagkakasibak sa tungkulin ang sinumang punong barangay na hindi susunod sa ordinansa.