Hinikayat ng Civil Service Commission (CSC) ang lahat ng ahensya ng gobyerno na higit pang paigtingin ang paghahanda sa sakuna at tiyakin ang kaligtasan ng mga kawani sa lugar ng trabaho.
Kasabay ito ng paggunita sa National Disaster Resilience Month ngayong Hulyo.
Ayon sa CSC, mahalagang mabigyan ang mga empleyado ng sapat na kaalaman, kasanayan, at kahandaan sa pagtugon sa mga emergency upang mapanatili ang ligtas at maayos na serbisyo publiko kahit sa panahon ng kalamidad.
Binigyang-diin din ng komisyon na may mahalagang papel ang milyon-milyong kawani ng gobyerno sa pagsusulong ng kaligtasan, pagprotekta sa buhay, at pagpapalakas ng disaster resilience sa buong bansa.
Ipinatutupad ng CSC ang mga polisiya sa Disaster Risk Reduction and Management, gayundin sa occupational safety and health, upang makatulong sa pagbuo ng mas matatag at ligtas na pampublikong sektor.