Ipinaramdam ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na isa sa prayoridad ang mga Person with Disability at mga nasa vulnerable sector dahil iba’t ibang tulong ang kanilang ipinamahagi ngayong unang araw ng Hulyo.
Sa Makati City, nagsimula nang mamahagi ng cash incentive ang lungsod sa mga PWD sa iba’t ibang barangay sa Makati Coliseum at may kasama pa itong 10 kilong bigas. Magtatagal naman ang cash distribution hanggang sa July 13 pero plano na rin ng LGU na magkaroon na ng landbank ATM enrollment para mas madali nang makuha ng mga PWD ang kanilang incentive.
Sa Taguig City naman tuloy-tuloy din ang libreng flu vaccine para sa mga PWD mula ala-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon at magtatagal ito hanggang bukas, July 2, 2026. Ang mga maaari namang mag-avail ay PWDs na may cancer, physical disability, deaf o hard hearing, visual disability at rare diseases. Kahit sa mga batang may disability may alok na free online speech program sa ilalim ng Yakap Centers.
At sa Parañaque City naman may tig-10 kilong bigas din ang mga nasa vulnerable sector na ipinamahagi ang LGU.
Tiniyak naman ng mga lokal na pamahalaan ang patuloy na pagbuo ng mga programa na makakatulong sa mga may kapansanan sa bansa.