Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestream
Nakatakdang magsagawa ng isang makasaysayang pagbisita si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Canada mula Hulyo 1 hanggang 4, kasunod ng opisyal na imbitasyon mula kay Canadian Prime Minister Mark Carney upang mas palakasin pa ang estratehikong ugnayan ng Pilipinas at Canada.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Philippine Ambassador to Canada Jose Victor V. Chan-Gonzaga, binigyang-diin ito na marami ang nakalatag na pangunahing paksa na aasahang tatalakayin sa pagharap ng dalawang pinuno.
Kabilang dito ang pagtugon sa pandaigdigang krisis sa enerhiya (energy crisis) hanggang sa mga usapin ukol sa seguridad at kapayapaan sa South China Sea.
Matatandaan na kilala ang Canada sa mataas na antas ng kaalaman at expertise sa nuclear energy.
Inihayag ng ambahador na napakahalaga ng tulong at pakikipagtulungan ng Canada sa larangang ito, partikular na para sa buong Timog-Silangang Asya (Southeast Asia).
Bukod sa sektor ng enerhiya, binigyang-diin din ni Ambassador Chan-Gonzaga ang kahalagahan ng mga diskusyon patungkol sa critical minerals, artificial intelligence (AI), at ang industriya ng Business Process Outsourcing (BPO).
Ang mga paksang ito ay may malaking epekto at pakinabang hindi lamang para sa Pilipinas kundi maging sa mga katuwang nitong bansa tulad ng Canada.
Inaasahang maghahatid ng mga bagong kasunduan at pamumuhunan ang apat na araw na pagbisita ng Pangulo na magpapasigla sa ekonomiya at seguridad ng bansa.