Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestream
Ito ang binigyang-diin ni Philippine Ambassador to Canada, His Excellency Jose Victor V. Chan-Gonzaga, sa isang eksklusibong panayam sa Radyo Pilipinas World Service hinggil sa estado ng trade numbers ng dalawang bansa.
Ayon kay Amb. Chan-Gonzaga, bukas ang merkado ng Canada sa mga produktong agrikultural mula sa Pilipinas. Masayang ibinahagi na “very well-received” o mainit na tinanggap doon ang mga unang shipment ng mga produkto.
Patuloy na tumataas naman ang demand sa malalaking probinsya tulad ng Ontario at Quebec, kung saan pinag-aaralan na ng embahada ang pag-angkat ng iba pang tropical products gaya ng pinya at langka. Kabilang din sa mga inaayos ang pagpapasok ng mga mangga sa merkado.
Upang mapanatili ang matatag na suplay, binigyang-diin ng ambassador na dapat tutukan ang estado ng logistika at connectivity.
Ito ay upang maiwasan ang kakulangan o shortage sa merkado, lalo na ngayong mataas ang kompetisyon at demand sa mga naturang produkto sa buong mundo.
Inilahad din ng embahada ang opisyal na datos ng mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Canada mula noong taong 2021 hanggang sa kasalukuyan.
Umaabot na sa 957,355 ang mga Pilipino sa naturang bansa na binubuo ng Overseas Filipino Workers (OFWs), mga permanenteng imigrante, at ang 2nd and 3rd generations ng mga Pilipino roon.
Inaasahan na ilan sa mga kababayang ito ang makakasalamuha at makakapanayam ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa opisyal na pagbisita niya sa Canada.