Naghain ang kampo nina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ng manifestation sa Korte Suprema para hilingin na desisyunan na ng korte ang inihain nilang petisyon tungkol sa pagdedeklarang iligal ng June 3 session ng grupo nina Senate President Sherwin Gatchalian.
Matatandaang inihain ni Cayetano, kasama ang walo pang Minority senators, ang petisyong kumukwestiyon sa legalidad ng 12-senator caucus at quorum noong June 3 session at ang mga hakbang na ginawa noong araw na iyon.
Sa naturang sesyon, naalis si Cayetano bilang Senate President at nahalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at Acting Senate President.
Sa kanyang Facebook live, binahagi ng Minority leader na ngayong araw inihain ng kanilang mga abogado ang manifestation.
Iginiit ni Cayetano na ang inihain nilang manifestation ay hindi tungkol sa Senate presidency kundi tungkol sa Constitutional order, moral boundaries, at mga batas.
Marami aniyang implikasyon ang kanilang petisyon…kabilang na ang sa Blue Ribbon hearing na ginawa nila noong June 4, na tinawag ng bagong Majority Bloc na hindi na lehitimong Blue Ribbon hearing.