Nananatiling bukas ang panig ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) upang pag-usapan at himaying mabuti ang usapin sa pagpapababa ng age of criminal responsibility.
Sa panayam ng Bangon, Bayang Mahal kay Teachers’ Dignity Coalition National Chairperson Benjo Basas, bagamat malakas ang panawagan sa publiko na ibaba na ang edad ng age of responsibility ay dapat hindi ito madaliin at pag-aralang mabuti.
Batid ng TDC na bahagi ng panawagang ito ay ang pagkamit ng hustisya sa mga nasawi dahil sa pamamaril ng dalawang menor de edad sa isang paaralan sa Tacloban City ngunit kailangan ding maintindihan ng publiko na dapat maisaalang-alang din ang diwa ng restorative justice.