Mga magdadala ng armas sa paaralan, maaaring patawan ng non-readmission o expulsion, ayon sa DepEd
Papatawan ng pinakamataas na administrative sanction ang mga mag-aaral na mapatutunayang nagdala ng armas o sangkot sa bomb threat sa mga paaralan.
Batay sa pinaigting na Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment (ESMLE) Guidelines ng Department of Education (DepEd), maaaring patawan ng non-readmission o expulsion ang mga mapatutunayang lumabag.
Kabilang sa mga itinuturing na critical offenses ang pagsali sa street gangs, pandaraya sa mga exam, paggawa ng bomb jokes o bomb threats, pananakit o physical injury kahit sa labas ng paaralan, pagdadala ng ilegal na droga at alak, acts of lasciviousness, pagdadala ng armas at bala, at pagbabahagi ng mga malalaswang videos ng mga mag-aaral o school personnel.
Ayon sa DepEd, awtomatikong ire-refer ng mga paaralan ang mga kasong ito sa mga kinauukulang law enforcement o social welfare agencies.
Unang inilabas ang panuntunan sa ilalim ng DepEd Order No. 006, Series of 2026, at sa ilalim nito ay tuluyan nang itinuturing na critical offenses ang mga security violations sa lahat ng pampublikong paaralan.
Umaasa naman si Education Secretary Sonny Angara na makatutulong ang mas mahigpit na mga parusa upang maiwasan ang mga posibleng insidente ng karahasan. | ulat ni Diane Lear