Pinabulaanan ng Quezon City Police District (QCPD) ang kumakalat na mga Facebook post kaugnay ng umano’y insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Barangay Payatas, Quezon City.
Ito ay matapos maberipika na walang katotohanan ang naturang impormasyon.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-9 ng umaga, dumalo sa pulong ang mga tauhan ng Payatas Bagong Silangan Police Station kasama ang mga opisyal ng paraalan nang makarinig ng malakas na ingay mula sa ikalawang palapag ng gusali.
Agad na rumesponde ang mga pulis upang beripikahin ang sitwasyon.
Sa isinagawang assessment, napag-alamang ang malakas na tunog ay nagmula sa isang kalapit na construction site na napagkamalan ng mga estudyante na putok ng baril at pero walang naganap na insidente ng pamamaril sa lugar.
Ayon sa QCPD, walang naitalang nasugatan sa insidente at naipagpatuloy ang klase sa paaralan.
Muli ring pinaalalahanan ng QCPD ang publiko na iwasang magbahagi ng hindi beripikadong impormasyon sa social media upang hindi makapagdulot ng takot at pangamba. | ulat ni Diane Lear