Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na wala itong namo-monitor na anumang banta sa seguridad kaugnay ng nagpapatuloy na kilos-protesta ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.
Ito ang iginiit ng AFP sa kabila ng pagpapatupad ng Red Alert Status sa lahat ng unit nito sa National Capital Region.
Ayon sa AFP, karaniwang hakbang ang Red Alert Status upang matiyak ang kahandaan ng kanilang mga tauhan at kagamitan sakaling kailanganin ang suporta ng militar sa mga civil authorities, alinsunod sa Konstitusyon at umiiral na mga batas.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng militar sa Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan, matiyak ang kaligtasan ng publiko, at masiguro ang tuloy-tuloy na paghahatid ng mahahalagang serbisyo.
Binigyang-diin ng AFP na nananatili itong propesyonal at non-partisan na institusyon na nakatuon sa pagpapatupad ng batas, paggalang sa karapatang pantao, at pagprotekta sa lahat ng Pilipino. | ulat ni Diane Lear