Kinumpirma ng Office of the Ombudsman na sumalang na sa preliminary investigation ang mga reklamo laban sa dalawang “cong-tractors” o mga kongresistang contractors.
Sa pulong balitaan sa Ombudsman, sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na ang dalawang mambabatas ay sina Uswag Ilonggo Party-list Representative Jojo Ang at Tarlac Representative Noel Rivera.
Aniya, umakyat na mula sa fact-finding investigation patungo sa preliminary investigation ang mga reklamong may kaugnayan sa conflict of interest laban sa dalawa.
Paliwanag ni Clavano, lumabag ang mga ito sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sinabi ni Clavano na ipinagbabawal sa mga kongresista ang magkaroon ng construction firm dahil sila mismo ay may impluwensya sa pambansang pondo. Anumang benepisyong mapupunta sa kumpanyang pag-aari nila o may kaugnayan sa kanila ay maituturing na paglabag sa conflict of interest rule.
Tiniyak naman ni Clavano na seryosong tinutugunan ng Office of the Ombudsman ang mga ganitong kaso. Sa ngayon ay dalawa pa lamang ang nasa preliminary investigation, ngunit inaasahan aniya na may susunod pang sasalang sa parehong proseso. | ulat ni Diane Lear