Binigyang-diin ng kampo ni dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin Romualdez na kailanman ay hindi siya idiniin ni dating Public Works Secretary Manuel Bonoan sa mga anomalya sa flood control projects sa bansa.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, tagapagsalita ni Romualdez, nakababahala ang ulat na balak gamitin ng Office of the Ombudsman si Bonoan bilang state witness upang ituro ang mambabatas.
Inilarawan pa ni Fajardo si Bonoan bilang “most polluted” at “not least guilty” source kaya kwestyonable ang kanyang kredibilidad para gawing testigo.
Ayon kay Fajardo, hindi nababanggit si Romualdez ni dating Sec. Bonoan kahit sa opisyal na pahayag na isinumite sa Independent Commission on Infrastructure(ICI) na nag-imbestiga sa flood control scam.
Duda ang kampo ng mambabatas kung bakit matapos ang higit isang taon at kapalit ng immunity ay ituturo si Romualdez ng dating kalihim.
Sa halip na gawing testigo, iginiit ni Fajardo na dapat papanagutin si Bonoan at piliting isauli sa kaban ng bayan ang ₱1 bilyong kickback na umano’y natanggap nito mula sa mga proyekto,
Sa kabila nito, inulit ni Fajardo na walang kinalaman si Romualdez sa pagpopondo, pagpili, o pagpapatupad ng flood control projects.
Gayunpaman, tiniyak ng tagapagsalita na walang balak magtago o takasan ni Romualdez ang anumang kasong isasampa ng Ombudsman.