Inilunsad ng Department of Justice (DOJ) at Quezon City Government ang Online Prosecutor’s Clearance Application System (OPCAS) at Digital Case Management System (CMS) bilang bahagi ng digitalization ng serbisyo sa hustisya.
Pinangunahan ni Justice Secretary Fredderick Vida ang paglulunsad sa Quezon City Hall noong June 29, 2026, kasama si Quezon City Mayor Ma. Josefina Belmonte at iba pang opisyal ng DOJ at pamahalaang lungsod.
Ang OPCAS ay isinama sa eServices platform ng Quezon City upang gawing online ang aplikasyon at pag-isyu ng prosecutor’s clearance, at mabawasan ang pangangailangang magtungo pa sa tanggapan.
Samantala, ang CMS ay gagamitin ng mga prosecutor sa pag-encode ng case information, real-time monitoring ng usad ng mga kaso, at mas maayos na case management at coordination.
Ayon sa DOJ, layunin ng dalawang digital platform na pabilisin ang serbisyo, palawakin ang access ng publiko, at tulungan ang mga prosecutor na mas mahusay na mapamahalaan ang kanilang trabaho.
Pinuri rin ni Vida ang mga prosecutor sa Quezon City sa mabilis na pag-aksyon sa mga kaso sa kabila ng malaking dami ng kanilang hinahawakang workload.