Nanawagan ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa pamahalaan na mas makabubuti kung maisusulong at maisasabatas ang P200 legislated wage hike kaysa sa paisa-isang dagdag-suweldo sa National Capital Region (NCR).
Sa panayam ng Bangon, Bayang Mahal, sinabi ni TUCP Spokesperson Carlos Miguel Oñate na patuloy nilang tinututukan sa Kongreso ang panukalang P200 legislated wage hike, na aniya’y lubos na makatutulong sa mga manggagawa sa buong bansa.
Iminungkahi rin ng TUCP ang pagrepaso sa mga Regional Wage Board at ang posibilidad ng pagbuwag sa provincial rate at pagpapatupad ng national minimum wage sa buong bansa bunsod ng malaking agwat sa suweldo ng mga manggagawa sa NCR at sa iba’t ibang lalawigan.
