Naghain si Senate President Sherwin Gatchalian ng isang resolusyon para siyasatin ang epekto ng online gaming platforms at paggamit ng social media sa mga bata, kabilang ang papel ng mga ito sa pagtaas ng bilang ng karahasan sa mga paaralan.
Sa paghahain ng Proposed Senate Resolution 488, layon ni Gatchalian na magrekomenda ng mga polisiya at magsulong ng mga panukalang batas para maprotektahan ang mga batang Pilipino laban sa masamang epekto ng unregulated digital exposure.
Inihain ni Gatchalian ang resolusyon matapos ang sunod-sunod na karahasan sa mga paaralan sa bansa, kabilang ang pamamaril sa San Jose National High School sa Lungsod ng Tacloban na kumitil sa buhay ng tatlong mag-aaral.
Ayon sa mga ulat ng pulis, labis na na-expose ang mga suspek sa GoreBox, isang graphic violence-simulating online game na kalauna’y pansamantalang ipina-block ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).
Giit ng senate president, hindi na maaaring balewalain ang epekto ng walang kontrol na digital exposure sa mga kabataan at panahon nang tiyakin kung sapat ang mga polisiya para maprotektahan sila. | ulat ni Nimfa Asuncion