Nanawagan si Senate President Win Gatchalian sa Department of Education (DepEd) na pabilisin ang pagkuha ng 10,000 School Counselor Associate I matapos aprubahan ng Civil Service Commission (CSC) ang qualification standards (QS) para sa mga posisyong nilikha sa ilalim ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act o Republic Act No. 12080.
Ayon kay Gatchalian, na principal author at sponsor ng naturang batas, mahalagang hakbang ang pag-apruba ng CSC para matugunan ang pangangailangan sa mga eksperto na mangangasiwa sa pagpapatupad ng School-Based Mental Health Program.
Sinabi rin ng senate president na may nakalaan nang 2 billion pesos sa ilalim ng 2026 national budget para sa paglikha ng 10,000 School Counselor Associate I positions.
Iginiit ni Gatchalian na wala nang dapat ipagpaliban ang DepEd sa pagpuno sa mga bakanteng posisyon para mapalakas ang suporta sa mental health ng mga mag-aaral.
Ngayon aniya higit na kinakailangan ng mga propesyonal para itaguyod ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral. | ulat ni Nimfa Asuncion