Walang kaugnayan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang nakaambang pagsasampa ng kasong plunder o pandarambong laban kay Senador Rodante Marcoleta.
Ito ang nilinaw ni House Prosecution Panel Spokesman at Impeachment Trial Adviser Rep. Robert Ace Barbers, bilang tugon sa mga espekulasyon na ginagamit ang naturang kaso upang harangin o gipitin si Marcoleta sa paglahok sa paglilitis bilang isa sa mga senator-judges.
Ayon kay Barbers, magkahiwalay ang mga legal na isyu at hindi dapat paghaluin ang dalawang usapin.
Paliwanag ng mambabatas, malinaw ang pahayag ng Office of the Ombudsman na ang kaso laban kay Marcoleta ay nag-ugat sa sarili nitong pag-amin na tumanggap siya ng ₱75 milyong campaign funds noong nakaraang May 2025 mid-term elections mula sa tatlong kaibigan.
Gayunpaman, nabigo umano si Marcoleta na ideklara ito sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) at Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Binigyang-diin ni Barbers na dapat hayaang gumulong ang proseso ng batas nang magkahiwalay at independiyente.
Aniya, ang reklamong kinakaharap ni Marcoleta ay usaping legal na personal nitong pananagutan, habang ang Senate impeachment proceedings isang constitutional mandate na dapat harapin ng panagalawang pangulo. | ulat ni Melany Reyes