Pansamantalang naantala ang klase ng mga mag-aaral sa isang kolehiyo dito sa Cebu City matapos kumalat sa social media ang isang banta ng pamamaril sa loob ng paaralan.
Unang naireport sa mga awtoridad na mayroong bomb threat sa Cebu Eastern College dito sa lungsod kaya agad na rumesponde ang mga kapulisan mula sa Cebu City Police Station 5 gayundin ang Explosive Ordance Disposal (EOD) Team, Special Weapons and Tactics (SWAT), Tactical Motorcycle Riding Unit, at Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Ngunit kinalaunan ay nadiskubre na mayroong nagpost sa isang social media group kaugnay sa tangkang pamamaril sa loob ng campus kung saan target nito ang first year students.
Agad namang nagsagawa ng komprehensibong security check ang mga awtoridad sa loob ng campus upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at ng mga teaching and non teaching staff. Isinailalim rin sa security inspection ang lahat ng mga estudyanteng nasa loob ng campus at wala mung pinayagang makalabas hanggang matapos ang inspeksyon. Wala namag nadiskubreng banta sa seguridad sa isinagawang beripikasyon at security inspection ng mga awtoiridad kaya’t ang pamunuan ng kolehiyo ay nagdesisyon ipagpatuloy na lamang ang klase ngayong araw.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng PNP cybercrime unit dito sa Cebu City upang matukoy kung sino ang nasa likod ng nasabing banta. Nanawagan naman sa publiko si Cebu City Mayor Nestor Archival na manatiling kalmado at iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon.
📷 Cebu City Police Station 5 FB page


