Photo courtesy of Senate of the Philippines
Naglabas ng saloobin ang ina ng isa sa tatlong estudyanteng nasawi sa Tacloban school shooting dahil hindi makukulong ang mga namaril na mga menor de edad.
Sa pagdalo sa pagdinig ng Senado via online, sinabi ni Jennelyn Badoria, nanay ng namatay na si Yancee Separa, na panahon nang gumawa ng hakbang para maibaba ang edad ng mga pananagutin sa ginawang krimen.
Sinabi ni Badoria na kung ang mga bata na nagkamali ay dinidisiplina at pinapalo, dapat lalong patawan ng parusa ang mga batang nakakapatay.
Iginiit niyang tama si Senador Raffy Tulfo sa pagsusulong ng pagkakaroon ng ibang kulungan para sa mga menor de edad.
Sa dulo, sinabi ni Badoria na dapat managot din ang mga magulang ng mga estudyanteng namaril pati na ang pulis na tiyahin ng isa sa mga menor de edad na suspek.
Sa panig ni Ginoong Rolando Lapidario, ama ng nasugatang si Kaye, dapat ibaba na sa 12 ang age of criminal responsibility mula sa kasalukuyang 15 years old para hindi na pamarisan ang paggawa ng krimen
Samantala, umapela naman si Janica Bituin, kapatid ng isa pang sugatan na si Gerric Bituin, na tigilan na ang fake news kaugnay sa kanyang kapatid na pinalabas na isa sa mga namatay sa insidente.